Again and again, sinasabi ko lagi ang dahilan kung bakit ako nagba-blog. It is because mahina ako pagdating sa emosyon. Emosyon, ayan na naman si kaine, walang ibang sinasabi kundi tungkol sa pag-ibig, pag-ibig, pag-ibig..iba’t-ibang klase. Mga tagong pag-ibig, bawal na pag-ibig, nabigong pag-ibig, nagaantay na pag-ibig, umaasang pag-ibig, naghihikahos na pag-ibig, mga pag-ibig na gustong balikan. Halos lahat na ata ng mga ito ay nagawan ko na ng blog. Dahil nadaanan ko na ang lahat ng mga iyon.
Pero, parang lumalayo ako sa gusto kong mabasa mo ngayon, iyon na nga po, mahina nga ako pagdating sa pag-ibig, at nangangailangan ng isang matinding emosyon para makagawa ako ng ganito. Para sa mga umaapaw na emosyon. Siyempre, nakakaapekto ang mood ko sa paggawa ng blog. At sa panahong ito, kasabay ng mga piling tugtuging mababagal, walang perkusiyon sa musika, ang nararamdaman ko ngayon ay isang napakatinding emosyon na hindi ko aakalaing makakamtan ko sa pagmamahal ni Tsokolate.
Okay, eto na naman ako, may isang tao na naman sa likod ng isang matalinhagang paglalarawan bilang si Tsokolate. Gusto ko kasi na ika’y mananabik na malamang kung sino siya, at sundan ang kuwento ko, niya at namin na kahit ako ay hindi inaakalang magiging ganito ang ngayon dahil pangarap lang siya mula noon. Ibinabahagi ko ang aming munting kuwento na ako mismo ay kinasasabikan ang paggawa ng kanyang simula. Dahil, ako ay hindi makapaniwalang makakapiling ko si tsokolate. Na naroroon siya sa tabi ko sa mga nakikita ko sa sarili ko na pinapasaya ng aking mga apo.
Matagal ko nang gustong ipabasa sa iyo ito, ngunit, noong nagpapatuloy na ang nasimulan dati, walang humpay kong sinasampal ang sarili, kurot, kagat at kahit ano pang tipikal na nakikita sa mga telebisyon upang magising ang isang karakter. Ngunit nabigo ako, dahil totoo pala talaga. Mahirap paniwalaang nangyayari ang pinakamagandang pangyayari sa aking pagkatao ngayon. Dahil simula pa lamang nang una ko siyang nasilayan ay pinunan niya agad ang musmos kong pagiisip na halos siya lang ang nilalaman. Pero, tinanggap ko na sa sarili ko na isa lang siyang pangarap, isang suntok sa buwan ang mahawakan man lamang ang kanyang kamay. Kaya, kapag nakikita ko siya, hanggang tingin na lamang ako, na ang tanging paraan lang na masasabi ko na mahal ko na ata siya ay nakasalalay sa nangungusap kong mga mata na sana nabasa ng kanyang mga mata ang nais kong ipadama sa kanya. Ngunit, sabi nga nila, mapaglaro ang tadhana, matagal siyang hinanap ng aking mga mata. At kung hinayaan ko ang sarili ko, baka buong ako na ang naghahanap sa kanya.
Oy, si kaine, nagsisimula nang magkuwento, nagiging personal na ata ang mga sinasabi ko, nagiging korni na ako. Pero, una, hindi sa iyo itong blog na ‘to at pangalawa, ikaw din naman a? nagiging nakakatawa kapag nakakadama ng gaya ko..sana tama ako, dahil kung hindi, siguro, hindi totoo ang nararamdaman mo. Baka, tugon lang iyon ng sitwasyon kaya ka ganyang. Baka, ang ginagamit mo ay ang puso mo, hindi ang pag-iisip mo. Iyon ang paniniwala ko, tumitibok ang puso sa kahit kanino na maganda ang dala sa atin, pero iba ang pintig ng puso kong maselan sa taong laging laman ng isip ko. Si tsokolate.
Iyon na nga po, pinaglaruan ako ng tadhana, at malamang siya rin. Maraming dumating, ngunit lahat may kulang. Pero, hindi naman ako naghahanap ng isang perpekto. Nararamdaman ko lamang na ako ay hindi para sa iba, siguro para lang ako kay tsokolate. Naku, hahaba ang usapan kapag pinagpatuloy ko pa ang detalyadong pangyayari.
Pinagtagpo kami ng tadhana sa kaniya-kaniya naming di magandang pangyayari. Muli kaming nagkita, kahit may mga pagkakataong gustuhin ko na hindi siya makita isang araw, makikita ko pa rin siya. Simula noon, hindi na lamang mata ko ang muling nagsasalita sa mga mata niya, kahit hindi man ako nagsasalita ng parang ganito, hinahayaan ko ang sarili ko na gumawa ng kapansin-pansin upang mapansin. Oo, papasin ako, ilang buwan akong nagpapansin sa kanya. Hindi ko mawari ang dahilan kung bakit ko ito ginagawa, pero ginagawa ko lamang ang gusto kong gawin. Dahil malamang, iniibig ko pa rin siya. Muli.
Dala ng pananabik at masidihing nararamdaman, nangyari na ang lahat ng ngayon. Sabi nga nila, hindi mo malalaman ang nararamdaman ng isang tao kapag hindi ka matapang na alamin ito. Inaamin ko na natatakot ako noon kung sakaling sasabihin ko na ang lahat, kahit hindi talaga lahat. Ngunit, nilabanan ko ang takot, dahil pagod na ang mga mata ko sa kasasalita. Para akong pipi na kinakausap ang isang bulag. Siguro ang isang pipiay totoo kapag nagmamahal, dahil lahat ng kanilang pagpaparamdam ng pagmamahal ay ginagawa lahat.hindi lang sa salita, hindi umaasa sa salita.
Nakipaglaro ulit ang tadhana at muli, ang mga mata kong pagod na sa pagsasalita ay muling nanabik na mangusap muli. Hanggang, nagkasundo ang buong katawan ko na kailangan tulungan ang mga mata ko na makita muli si tsokolate. Hindi posible sa mata ko na makita si tsokolate. Natataranta ako sa bawat oras na unti-unting akong pinanabik na makita si tsokolate muli. Sawa na ako sa pagkokontrol sa sarili ko para makamtam ang isang bagay na magpapasaya sa akin. Bakit ko pa kasi pinipigilan ang sarili ko na maging masaya.
Buong buhay akong nag hihintay sa tamang tao, sa tamang pagkakataon, sa tamang sitwasyon. Siguro hindi lang tamang oras ang dati. Masaya ako habang ginagawa ko ito. Ang pagtatapos na ito ay ang ikatlong gabi na ginawa ko ito. Gusto ko kasi na paglaanan ng espesyal na atensyon ang paglalahad na ito. Mahal ko si tsokolate, hindi ako magsasawang sabihin na mahal ko siya. At ang pinakamasaya sa lahat,.. mahal ako ni tsokolate. kahit ang aming pagkakaiba ng ugali at ano pa man ay hindi sinasangayunan ng iba. mahal ko si tsokolate
Wednesday, May 28, 2008
Subscribe to:
Posts (Atom)